Ano ba kasi ang “dialect”?

Hanggang ngayon, malaking misconception pa rin na hindi language o wika ang Cebuano, Ilocano, Waray, Hiligaynon, at iba pang mga regional languages ng Pilipinas.

Filipino daw ang national language at “dialect” lang daw ang mga ito.

Para malinawan tayo, alamin muna natin: ano ba kasi ang dialect? Anong kinaibahan nito sa language? At ano ba ‘tong “Filipino” language na ‘to?

So totoo lang, walang clear-cut distinction ang language at dialect, pero usually may 3 criteria na ginagamit:
1. Mutual Intelligibility
2. Politics
3. Literature

MUTUAL INTELLIGIBILITY

Gamit ang Mutual Intelligibility na criteria, masasabing magkaibang language kapag hindi kayo magkakaintindihan. Kunwari, Kapampangan lang ang alam ni Elmira at Waray lang ang alam ni Carding, hindi sila magkakaintindihan dahil magkaibang wika ang dalawang ito.

Kung, halimbawa naman, ay mag-usap si Norman na taga-Batangas at si Juan na taga-Cavite, magkakaintindihan sila dahil regional variations lang ng iisang wika ang gamit nila: Batangas dialect of Tagalog at Cavite dialect of Tagalog. May mga pinagkaiba pero similar enough na magkakaintindihan pa rin sila.

POLITICS

Ngayon, meron ding political criteria. Halimbawa, ang Danish, Swedish at Norwegian ay mutually intelligible, pero tinuturing silang magkakaibang language at hindi dialects lang ng “Scandinavian”. Ang Mandarin at Cantonese, dalawang wika sa China, ay hindi mutually intelligible pero tinuturing silang dialect ng “Chinese” dahil yun ang naging policy ng kanilang bansa.

May mga cases din na tinuturing lang na language pag yun ang ginagamit ng elites ng isang society at nadedemote yung iba to “dialect”.

Sa case ng Pilipinas, nagkaroon ng executive order noong 1937 na magkakaroon ng isang national language na tinatawag na Pilipino base sa Tagalog. Nung 1973 constitution, pinalitan ng Filipino na fusion daw dapat ng mga native languages, parang halo halo. Supposedly.

Pero ang actual na nangyari, ang Filipino ay naging base lang sa Manila dialect of Tagalog, dahil capital ang Maynila at malaki ang naging impluwensiya nito sa bansa.

Sa 1987 constitution, tinatawag na “regional or auxiliary languages” ang ibang mga wika ng bansa kagaya ng Yakan o Maguindanaon, pero ang tinuturo pa rin sa mga school at textbook ay dialect lang ang mga ito.

LITERATURE

May mga authors din na ginagamit ang pagkakaroon ng written literature bilang basehan para masabing wika at hindi dialect ang isang salita. Pero kahit gamitin natin ang criteria na ito, matituturing pa rin nating wika ang Cebuano, Hiligaynon, or Kapampangan dahil mayroon silang written works.


Ayan ha, yan ang mga criteria. Kung linguistics ang usapan, full-fledged languages ang ibang mga wika ng Pilipinas.

Ayon nga sa Ethnologue, mayroon tayong 187 unique languages. Next time may mag correct sa inyo na hindi language ang mga ito, meron na kayong maisasagot.